Pluma

sapagkat mas nakakaaliw magsulat sa wikang sariling iyo

Bagong Simula

October26

Naisipan kong muling bumalik sa Pluma. Paalala lamang, hindi ko iniwanan ang Pluma para sa isa ko pang blog na nasusulat sa Ingles dahil pareho silang nabaon sa limot noong mga panahong masyado akong nalulong sa paglalaro ng mga online games at mga Koreanong lalake. Mas nauna nga lang akong bumalik sa kabila kong blog dahil nagkaroon ako ng pangangati na ipakita sa sarili ko kung ano ang kaya kong gawin. Oo, mayabang pero wala ka nang magagawa dun dahil uulitin ko, blog ko ito. Kung magiging isang mambabasa kita, masanay ka na.

Maniwala ka man o hindi, ang nagtulak sa akin na magsulat uli sa Pluma ay yung bagong produkto ng Lucky Me! na Macaroni and Cheese. Napilit kasi kami ng aking ina na bumili nun dahil sa napakaingay na nag-eendorso dun sa grocery store na kulang na lang ipagduldulan sa mukha mo ung pakete ng bagong produkto. Mukha bang masarap sa TV? Pwes, sasabihin ko na sayo.. hindi. Kalasa niya ung kahel na gitnang bahagi ng itlog na maalat. (Hindi naman sa sinasabi kong hindi masarap ang itlog na maalat, ang punto ko lang ay sobrang malayo naman ata ang alat sa lasa ng keso.) Sa sobrang panlulumo ko, tila bang nagkaroon ako ng pag-uusig na ipaalam sa lahat ang lasa nun. At ‘yun nga, ang alam ko lang na paraan para ipagkalat iyon ay magsulat sa aking blog at ang sinabi ko ay kakatwa dahil unang-una walang nagbabasa ng blog ko maliban sa isang tao na katulad mo na may ginintuang puso.

Isa pang nagpuwersa sa akin na bumalik ay ang aking bagong theme na natagpuan ko dahil sa aking kaibigan na si Google. Aminin mo, maganda hindi ba? Kung ganito ba naman kaganda ang theme mo, malamang hindi ka talaga magdadalawang-isip na magdagdag ng laman sa unang pahina mo.

Tandaan niyo ang araw na ito — ang pagsisimula muli ni Pluma (na sana’y hindi maging fail sa nalalapit na hinaharap).

posted under Blog | No Comments »