Sa May Novaliches
Noong lumipat kami sa bago naming bahay dito sa may Novaliches, sobrang laki ng aking panghihinayang sa lokasyon ng dati naming bahay. Oo at mas maganda ang tahanan at kapaligiran namin dito, pero iba pa rin ung convenience na dala ng pagiging isa o dalawang sakay lamang ang layo sa mga susing lugar gaya ng Trinoma, SM North at UP. Ganunpaman, unti-unti na rin akong nasasanay sa mahaba at nakakahapong biyahe papunta sa UP araw-araw. Sa katunayan, kahapon ko lang unang na-appreciate ang lugar at kung bakit, malalaman niyo sa mga susunod na talata.
Sa mga nakalipas na araw, inaatake na naman si Mama ng kanyang hyperacidity kung kaya sinamahan namin siya ng aking kapatid sa pinakamalapit na ospital dito. Pagkatapos noon ay pumunta kami sa tinatawag na Bayan dito sa Novaliches para magliwaliw at mag-ikot-ikot. Matagal ko nang inaaya ang aking nanay na pumunta dun ngunit ngayon lang kami nabigyan ng pagkakataon dahil mas matipid kung isang labasan lang ang aming gagawin.
Natuwa ako sa mga nakita ko. Bagaman maraming tao at medyo nakakasakit ng ulo ang set-up ng lugar, hindi pa rin nun mahihigitan ang kamurahan ng mga bilihin dun. Yung mga damit na nauuso ngayon ay ₱180 na para sa dalawang piraso. Aba, di hamak na mas mura na yan kumpara sa mga tinda sa SM na mga ₱250 ang pinakamababang halaga ng isang piraso. Ang mga leggings naman na maganda ang kalidad ay ₱180 ang dalawang piraso at maaari ka pang mamili sa iba’t ibang kulay at haba. Nakakalunod at nakakalula ang dami ng maaari mong pagpilian ng mga pantaas at pambaba. Nataunan pa namin na may 50% sale ang Bizaare kaya parang langit para sa akin kahapon ang Bayan, lalo pa’t kakakuha ko lang ng naimbak na DOST stipend ko.
Napakarami rin ng mga tindang DVDs at CDs doon, may mga Japanese, Chinese at English dramas. Nandoon din ang mga pinakabagong pelikula gaya ng 500 Days of Summer at iba pa. Nakakatawa pa nga ang ibang mga titulo dahil sa mga pagkakamali sa spelling – Gokosen at Sorrorrity Row (hindi siya galit sa letrang R). May mga porn din kung di mo naitatanong. Haay, sana lang hindi sila sugurin at tanggalan ng trabaho ni Edu Manzano.
Pakiramdam ko doon na kami mamimili magmula ngayon.. at magpakailanman?